Saturday, March 12, 2011

...mga larawan ng aming kuwento

May Hayskul na Kami....!

Datirati’y nagkakasya na lamang ang mga mamamayan ng Biton sa pagtanaw sa mga batang binabagtas ang mahabang baybayin patungo sa  Mataas na Paarang Danao sa bayan ng Bulan. Ang iba naman, sa murang gulang ay tinitiis na lamang ang mawalay sa mga magulang sa loob ng lingo o buwan maipagpatuloy lamang ang kanilang pag-aaral sa bayan ng magallanes, habang ang iba ay nawalan na ng pag-asang makatuntong pa sa paaralang sekundarya at piniling tumulong na lamang sa kanilang mga magulang sa paghahanapbuhay sa. bukid at dagat.
Ang kalagayang ito ang nagbunsod sa mga mamamayan ng barangay Biton na kumilos upang magtatag ng hayskul dito.
Sinimulan sa isang signature campaign sa pangunguna ni Ginoong Lito Oriarte, kumilos ang Sangguniang Barangay sa pamumuno ni PB Rosal Apuya sa tulong na rin ni ginang Muriel Lorica, ang principal ng Biton Elementary School.. Agad silang nagsagawa ng resolusyong inihain sa Sangguniang Bayan ng Magallanes upang isulong ang pagtatatag ng paaralan at matulungan na rin ang sangguniang Barangay ng Biton sa gastusin sa pagbili ng school site.
Bukod dito, nagkaloob na rin ng tulong  pinansiyal si Congressman Salvador Escudero.
Sino ang makakalimot sa mga boluntaryong pagtulong ng halos lahat ng mga mamamayan ng Biton sa pagtatayo ng gusali ng paaralan habang ang Sangguniang Bayan at Sangguniang Barangay, katulong sina Gng. Lorica at Ginoong Ross Gime ay inaasikaso na ang mga kailangang dokumento para sa pagtatatag ng paaralan.
Bumuhos pa ang mga tulong pinansiyal at mga gamit mula sa mga magulang at pribadong mamamayan. Hanggang sa pagbubukas ng klase  noong Hunyo ay tuluyang nabigyang katuparan ang pangarap ng mga taga-Biton...sabay-sabay silang nagdiwang sa kagalakan…”May hayskul na kami…!
Unang nagging boluntaryong mga guro naming sina G.Ryan G. Gime, Cyrus Blanza, at Gng. Roxanne D. Sacupon sa pamumuno ni G.Ross G. Gime na ipinadala ng DepEd bilang Teacher-In-charge.
Sa pagdaan ng panahon makalipas ang halos dalawang buwan, kasabay ng paglipat nina G.ryan gime at Gng.Sacupon sa ibang paaralan ay ang pagdating naman ng aming mga bagong guro na sina Bb. Aily Carrillo at Bb. Jazmin J.Hibay.
Nasa unang taon pa lamang ang Mataas na Paaralang Biton subalit marami nang pagbabago ang nagaw nito saaming buhay. Ang aming mga magulang ay walang pagsidlan ang tuwa sa tuwing umuuwi kami sa bahay mula sa eskwela. Ang mga taong aming dinaraanan ay pawing nakangiti na animoy nasasabik na sa mga darating na pag-unlad
Labis ang aming pasasalamat sa lahat ng nangarap at kumilos para sa amin at sa aming kinabukasan. Sa pagkakatatag ng aming  paaralan, isang pangako rin ang aming ibinibigkas tuwina para sa kanila…”HINDI NAMIN KAYO BIBIGUIN”…
Ipinagkaloob ng DepEd regional Office ang permiso sa pagbubukas ng First Year sa ating paaralan noong Setyembre 14, 2010. Ito ang napagkasunduang gawing “Araw ng Pagkakatatag” ng ating mutyang paaralan.

1 comment: