Saturday, March 12, 2011

ELiPSIS...

Bagsak na Naman Ako...Bakit?
 Jonna B. Hallig
 ________________________________________________________________________________

74, 73, 72, 70…! Bagsak na naman ako...Bakit? Ano na naman itong nagawa ko? “Hala, ikaapat na markahan na, baka hindi na ako makabawi...huhuhu…” himutok ng isa sa aking mga kamag-aral.
                 Bakit nga ba tayo bumabagsak? Dati-rati sina ate at kuya, papasok-pasok lang, walang gaanong ginagawa sa iskul pero pumapasa naman sila. Ngayon, bakit lagi na lang mabababa ang ating mga marka?
                 “Maam, may I go out...uuwi po muna ako saglit”. Ito ang kadalasang alibay ng mga boys. Kunyari lalabas lang sandalI subalit hindi na sila bumabalik. Minsan naman, papasok nga tapos matutulog lang naman sa klase. Antok sila dahil galing sa laot. Kadalasan, nagpapadala sila ng excuse letter dahil inutusan sila ng mga magulang nila na mag-kopra. Dagdag pa dito ang madalas na pagkukuwentuhan habang nagtatalakayan sa klase, hindi nakikinig. Ngayon, tayo ay nagtatanong...Bakit ako bagsak?
Ang mataas na marka ay nagpapakita na may natutunan tayo. Kung mababa o bagsak naman ang ating marka, alam na natin ang ibig sabihin noon.
“Project na naman?”...Ito ang karaniwang reaksiyon natin kapag nagbibigay ng proyekto ang ating mga guro. Tila ba nagrereklamo na tayo sa isiping tuwing markahan ay mayroon tayo nito. Tuloy ang iba, di na gumagawa nito. Tapos ngayon, magtatanong tayo, “bakit ako bagsak?”.
Ang proyekto ay output ng kung ano ang ating natutunan sa bawat markahan. Kung gayon, kapag wala tayong ipinasang proyekto, ibig sabihin wala tayong natutunan. Sa ganitong sitwasyon, wala tayong karapatang magtanong kung bakit tayo bumabagsak, di ba? Kung sana’y gumawa tayo ng proyekto, sana may sigurado na tayong 20-25 bahagdan ng marka natin. Huwag sana nating kalimutan na tayo ang gumagawa ng sarili nating marka. At ito ay para satin. Hindi ito para sa mga guro natin.
“Activities”...bakit ba kailangan pa nating sumali sa mga gawaing pangklase?Sabi ng iba, “Maglaro na lang tayo”. Kahit batid nating hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang bagay na ito, ngunit patuloy pa rin tayo sa pagbabalewala dito.
Malaking bahagi ng ating marka ang pakikilahok. 30-50 porsyento ng ating marka ang dito nakasalalay. Sa mga gawain sa klase nakikita kung tayo ay interesadong matuto o kaya’y nagagamit na natin ang ating natutunan. Bakit ba kasi ayaw nating sumali sa mga gawaing pang-klase? Kapag nasanay na tayong makilahok, mas magiging madali na satin ang pakikiisa at pakikibahagi na sadyang kailangan natin sa mahaba pang tatahakin natin sa mundong ito ng pag-aaral.
At isa sa pinaka suliranin natin ay ang kawalan natin ng disiplina at kakulangan sa kagandahang asal.
Wala tayong inilalaang oras sa pagre-review. Hindi natin alam kung paano ibabaha-bahagi ang ating oras basi sa prayoridad.Wala tayong “study habit”. Mas inuuna pa natin ang mga bagay na sadyang walang maitutulong saating pag-aaral.
Kulang tayo sa pagkukusa at buluntaryong paggawa. Mas inuuna pa natin ang paghahanap-buhay na nakasanayan na nating ginagawa.
Ang ganitong sitwasyon ay nagpapatunay lamang na lubhang ang suliranin sa ating pagbagsak sa klase ay nasa sarili din natin.Nakakalungkot isipin. Parang wala rin tayong natutunang values mula sa ating mga magulang at mga guro. Tila ba walang silbi ang mga pangaral na ibinibigay satin ng ating mga guro. Pinakikinggan lamang natin sila sa kanang tainga at agad inilalabas ito sa kaliwa. Nakikinig tayo subalit di naming natin ginagawa.
Batid kong nauunawaan natin ang bawat salitang ibinibigkas ng ating mga guro at magulang, subalit sadyang likas na marahil satin ang pagiging matigas ang ulo.
Mahigit isang buwan na lamang ang nalalabi. Matatapos na natin ang unang antas sa hayskul. Lubhang kailangan na nating magbago kung nais nating pumasa sa lahat ng ating mga asignatura at makapagtapos ng walang problema sa hayskul.
Kailan tayo gigising. Kailan tayo magsisimula? Magtatanong na naman ba tayo kung bakit tayo bumabagsak?
Mag-isip ka kaibigan.

No comments:

Post a Comment